Mga dayuhan maaari nang manatili ng mahigit 30 araw sa bansa
Pinayagan ng inter-agency task force ang pagpasok ng mga dayuhan na nais manatili sa Pilipinas ng mahigit 30 araw.
Sa laging handa public briefing, sinabi ni acting presidential spokesman, Cabinet Secretary Karlo Nograles, na inamyendahan ng IATF ang kanilang guidelines sa ilalim ng Resolution 160-B sa pamamagitan ng bagong isyu na Resolution no. 160-D.
Aniya, ibig sabihin nito ay maaring manatili nang lagpas sa 30 araw sa Pilipinas ang mga mamamayan mula sa 157 na bansa, sa pamamagitan ng entry exemption document na inisyu sa ilalim ng umiiral na IATF rules and regulations.
Gayunman, ang mga biyahero ay dapat kumpleto ang bakuna laban sa COVID-19, maliban sa mga labindalawang taong gulang pababa na may kasamang fully-vaccinated parents.
Kailangan din na mag-prisinta ng proof of vaccination at negative RT-PCR test na isinagawa 48 hours bago ang petsa at oras ng pag-alis mula sa pinanggalingan nilang bansa. (Infinite Radio Calbayog)