Sumukong lalaki hinggil sa umano’y assassination threat vs BBM, itinuturing na person of interest ng NBI
Ikinukonsidera ng National Bureau of Investigation (NBI) na person of interest ang lalaking sumuko sa kanila kaugnay ng umano’y banta laban kay Presidential Aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa press briefing, isang Bong Ricafort ang humarap sa media at itinangging siya ang nasa likod ng umano’y assassination threat laban sa dating senador.
Inihayag naman ni NBI Spokesman Ferdinand Lavin na nagpapatuloy pa ang imbestigasyon, at si Ricafort ay posibleng maging witness.
Paglilinaw ni Lavin, sa ngayon ay itinuturing si Ricafort bilang person of interest at hindi pa akusado.
Inamin naman ni Ricafort na bahagi siya ng grupong “Bikers for Leni” subalit itinangging siya ang nasa likod ng pagbabanta.
Iginiit ni Ricafort na hindi kanya ang account at kailanman aniya ay hindi niya iyon ginawa.
Idinagdag din nito na hindi siya galit kay Marcos.
Handa rin aniya siya na isumite ang kanyang gadgets at sumailalim sa lie detector test kung kinakailangan upang malinis ang kanyang pangalan. (Infinite Radio Calbayog)