DepEd nagsagawa ng Online National Festival of Talents; kahalagahan ng co-curricular activities sa panahon ng pandemya isinulong
Nagdaos ang Department of Education(DepEd) ng Online National Festival of Talents (NFOT) upang bigyang-diin ang positibong epekto ng co-curricular activities sa kalusugan ng mga mag-aaral sa gitna ng pandemya.
Ayon kay Ayon kay DepEd Bureau of Learning Delivery (BLD) Director Leila Areola, makatutulong ang co-curricular o extra-curricular activities para maibsan ang nararanasang stress, tensyon at anxieties ng mga mag-aaral dahil sa epekto ng krisis sa COVID-19.
Bago ang pandemya, ang National Festival of Talents ay idinadaos taun-taon. Subalit dahil sa COVID-19 pandemic, napagpasyahan ng DepEd na gawin ito ngayong taon sa pamamagitan ng online.
Ibinida sa 2021 NFOT ang talento sa Technolympics (Technology and Livelihood Education and Technical-Vocational Education); Sining Tanghalan (Arts and Culture Education); National Population Development (Social Studies o Araling Panlipunan); Pambansang Tagisan ng Talento (Filipino); at maraming iba pa.
Nagsumite ng video performances ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Kabilang sa ipinamalas ang kanilang galing sa pagluluto, pagsusulat ng kanta, pag-awit, at pagtugtog ng mga instrumento, pagsasayaw, eksibisyon sa pagtatalumpati, ay iba pa.
Samantala, binigyang-diin ni Kalihim Leonor Magtolis Briones na mananatiling inisyatiba ng DepEd ang NFOT upang maitaguyod ang natatanging kultura ng bansa, lalo na sa mga kabataan. (DDC)