Mahigit 9,000 batang edad 5 hanggang 11 nabakunahan na kontra COVID-19
Umabot sa mahigit 9,000 mga bata ang nabakunahan kontra COVID-19 sa unang araw ng pag-rollout ng pagbabakuna sa mga edad 5 hanggang 11.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang unang araw ng pag-rollout ng vaccination para sa nasabing age group ay idinaos sa 32 vaccination sites sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa ikalawang araw ay itinaas pa ito sa 43 sites.
Target ng pamahalaan na mabakunahan kontra COVID-19 ang mahigit 15.5 million na mga batang edad 5 hanggang 11.
Sa mahigit 9,000 nabakunahan ayon sa DOH, isang bata lamang ang nakaranas ng mild na reaction.
Isang bata na 11-anyos ang nagkaroon ng pantal sa katawan matapos mabakunahan.
Agad itong nabigyan ng anti-allergy na gamot at nang maging maayos na ang kondisyon ay napauwi na din.
Sa buong mundo, base sa datos, sa 8.7 million na mga batang edad 5 hanggang 11 na nabakunahan kontra COVID-19, 97.5 percent ang hindi nakaranas ng adverse events o side effects. (DDC)