Emergency Health Workers Benefits Act hiniling na ipasa na bilang batas
Hiniling ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate kay Pangulong Rodrigo Duterte na lagdaan na ang Emergency Health Workers Benefits Act.
Ito’y makaraang ratipikahan sa Kongreso ang panukala para sa tuloy-tuloy na benepisyo sa lahat ng mga health care workers at barangay health workers sa bansa.
Ngayong lusot na sa parehong Kapulungan ng Kongreso ang panukala ay dapat na madaliin na ng Pangulo na lagdaan ang panukala para maisabatas nang sa gayon ay mapakinabangan na ng mga health care workers ang “long overdue” benefits na nararapat sa kanila.
Nakapaloob sa panukala na ang mga benepisyo sa mga health workers ay hindi lamang limitado ngayong Covid-19 pandemic kundi kasama na rin ang iba pang uri ng health emergencies.
Matatanggap naman ng lahat ng health care workers “retroactively” ang mga benepisyo mula July 1, 2021.
Magkagayunman, dismayado si Zarate dahil ang ilang benepisyo tulad ng active hazard duty pay (AHDP), meals, at accommodation, and transportation (MAT) allowance ay hindi isinama sa panukala. (James Cruz)