Mga emergency financial assistance dapat gawing exempted sa election ban
Hinimok ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda ang Commission on Elections na gawing exempted sa “spending ban” ang mga emergency financial assistance programs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
sumulat na ang mambabatas kay DSWD Secretary Rolando Bautista para i-petisyon sa COMELEC na i-exempt mula sa public spending ban ang lahat ng aid transactions ng ahensya.
Ang public spending ban naman ay ipapatupad ng komisyon mula Marso hanggang Mayo.
Hiniling ng Albay solon na magtuloy-tuloy pa rin ang pamamahagi ng pinansyal na tulong o ayuda sa mga nangangailangang indibidwal at pamilya sa bansa.
Paliwanag ni Salceda, hindi pangkaraniwan ang panahon ngayon at hindi makakayanan ng bansa ang pagbangon kung pati ang emergency at crisis aid ay mabagal partikular sa Assistance for Individuals in Crisis Situations (AICS), Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at iba pang social amelioration programs ng pamahalaan.
Dagdag pa ng kongresista, tama na ang pagbagsak at paghina ng ekonomiya ngayong taon.
Binigyang diin pa ng kongresista na crucial o napakahalaga ng economic recovery programs para mapanatili ang GDP growth sa gitna ng krisis tulad halimbawa ng ginawa niya noong siya pa ang economic adviser ni dating Pangulong Gloria Arroyo sa naranasang Global Financial Crisis noong 2008. (James Cruz)