Apela ni Aika Robredo sa publiko: Maging mapanuri sa mga nababasa sa social media
Hiniling ni Aika Robredo sa publiko lalo na sa netizens na maging mapanuri sa mga nababasa nila sa social media.
Pahayag ito ni Robredo sa dumaraming insidente ng fake news laban sa kanilang ina na si Vice President Leni Robredo.
Sa panayam ng 92.1 Infinite Radio Calbayog sinabi ni Aika na isa sa pinagtutuunan nila ng pansin sa ngayon ay ang labanan ang paglaganap ng fake news laban sa kanilang mama.
Ayon kay Aika, madali namang patotohanan ang mga naiambag ng kanilang mama sa panunungkulan nito bilang bise presidente ng bansa.
“Para labanan yung mga fake news, ang panlaban namin diyan katotohanan, at mahirap naman itanggi, kasi ang katotohanan marami namang resibo,” ayon kay Aika.
Sinabi ni Aika na lahat ng programa ng kanilang mama ay nasa social media kabilang ang mga programa patungkol sa COVID response, kalusugan, disaster relief, at maraming iba pa.
Apela ni Aika sa publiko, kung mayroong nababasa online, mas mainam na humanap ng resibo kung totoo ba ito o hindi.
“Imbitasyon ito na kapag may nababasa tayo online, siguro humanap tayo ng resibo kung totoo nga ba ito o hindi,” hiling ni Aika sa publiko. (DDC)