Insidente ng pagkawala ng mga ‘sabungero’ dumarami ayon sa PNP
Dumarami ang kaso ng mga nawawalang sabungero na iniuulat sa Philippine National Police (PNP).
Ayon sa PNP, patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pagkawala ng sampu pang lalaki na pawang huling nakita sa magkakahiwalay na sabungan noong January 13.
Sa Sta. Cruz, Laguna, iniulat ang pagkawala ng apat na magkakaibigang lalaki pagkatapos nilang magsabong.
Base sa CCTV footage mula sa sabingan, nakitang lumalabas sa lugar ang sasakyan ng mga biktima subalit hindi malinaw kung lulan sila ng naturang sasakyan.
Sa nasabi ring petsa, anim na lalaki ang nawala din matapos magsabong sa Maynila.
Una nang iniulat ng PNP ang pagkawala ng sampung sabungero sa Bulacan.
Sa pahayag ng kanilang mga kaanak, walong buwan na mula nang mawala ang kanilang mga mahal sa buhay.
Ang unang sampung sabungero na nawala ay pawang nagtungo din sa sabungan sa Sta. Cruz, Laguna.
Sinabi ni PNP Chief Police General Dionardo Carlos na inaalam na ng PNP kung kunektado sa isa’t isa ang naturang mga insidente.
May pagkakapareho kasi aniya ang mga insidente.
Umapela din ang PNP sa mga may-ari ng sabingan na makipag-cooperate sa ginagawang imbestigasyon. (DDC)