Ulat na may mga guro na nabiktima ng bank hacking iniimbestigahan na ng DepEd
Nakarating na sa Department of Education (DepEd) ang ulat na may ilang guro ang nagkakaroon ng mga isyu sa Online Banking feature ng Landbank.
Bagaman wala pang natatanggap na anumang pormal na incident report ang DepEd Central Office, kasalukuyan na nitong bineberipika ang ulat sa mga field office.
Nakipag-ugnayan na din ang Landbank sa DepEd at siniguro na ang mga kaso ng unauthorized withdrawals ay maayos na aasikasuhin at bibigyan ng lubusang atensyon.
Hinihikayat ng DepEd ang lahat ng kawani nito na ipaalam agad sa kani-kanilang dibisyon, at iulat ang anumang mga isyu sa pinakamalapit na Landbank branch.
Batay sa ulat may mga guro na nawalan ng 26,000 hanggang 121,000 sa kanilang accounts matapos ma-hack ang Landbank.
Pero sa pahayag ng Landbank sinabi nitong hindi napapasok ng hackers ang kanilang sistema at nananatiling ligtas an account at personal information ng kanilang mga kliyente. (DDC)