DepEd nagpadala ng tulong sa mga paaralan at field office na nasalanta ng Bagyong Odette
Naghatid ng tulong at nagsagawa ng psychosocial interventions ang Department of Education (DepEd) sa mga paaralan at field offices na nasalanta ng Bagyong Odette sa mga apektadong probinsiya.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Magtolis Briones, nagtalaga ng mga tauhan ang DepEd para maibiyahe ang mga donasyon.
Upang makuha ang datos sa infrastructure at non-infrastructure damages sa mga apektadong rehiyon, dibisyon, at mga paaralan, inactivate ng Kagawaran, sa pamamagitan ng Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) ang Rapid Assessment of Damages Report (RADaR).
Ayon sa DRRMS, pinangunahan ng DepEd Central Office ang pagda-download ng P3.6 milyon para sa clean-up at minor repairs. Naglaan din ng P10.2 milyon na support funds bilang response interventions sa mga apektadong rehiyon.
Maaaring magamit ang support funds sa pagkuha ng mga learners’ at teachers’ kits with hygiene items, pagsasagawa ng psychological first aid, at emergency school feeding programs.
Pinangunahan din ng DepEd, sa pakikipagtulungan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Logistic Cluster, ang pagpapadala ng mga in-kind donations.
Sa datos ng DepEd, sa 11 rehiyon ay 29,671 paaralan at 12,029,272 na mga mag-aaral ang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Odette. (DDC)