Panukalang ibalik sa “Montalban” ang pangalan ng bayan ng “Rodriguez” aprubado na sa committee level sa Senado
Aprubado na sa committee level sa Senado ang panukalang batas na ibalik sa Montalban ang pangalan ng bayan ng Rodriguez sa lalawigan ng Rizal.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Local Government sa pamumuno ni Senator Francis Tolentino sa HB 8899 o An Act Renaming the Municipality of Rodriguez In the Province of Rizal as the Municipality of Montalban, ididiretso na sa plenaryo ang panukala.
Ito ay makaraang hindi naman tumutol ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa panukalang batas na isinulong ni Rep. Fidel Nograles.
Ayon sa kinatawan ng DILG, kung ito ang pulso ng residente, ay pabor silang maibalik sa Montalban ang pangalan ng Rodriguez.
Ayon naman kay Coun. Judith Cruz, Sangguniang Bayan Committee Chairperson for Tourism, Culture and Arts sa bayan ng Montalban, malaki ang historical significance ng pangalang “Montalban”.
Ito ay hango aniya sa salitang Espanyol na Monte Alba na ang ibig sabihin ay White Mountain.
Ayon naman kay Senator Bato Dela Rosa, halos linggu-linggo ay nagte-trail siya sa bulubundukin ng Montalban.
At maging siya ay nalito sa kung ano talaga ang pangalan ng bayan.
Para kay Dela Rosa, mas mainam ding sundin kung ano ang mas gusto ng nakararami.
Iminungkahi naman ni Tolentino na magkaroon na lamang ng barangay sa Montalban na ipapangalan o tatawaging ‘Rodriguez’ para mapanatili ang pagkilala kay dating Senador Eulogio ‘Amang’ Rodriguez.
Sinabi naman ni Cruz na ang isang paaralan sa Montalban ay nakapangalan sa dating senador. Maari din aniyang isaalang-alang ng pamahalaang bayan ang panukala ni Tolentino. (DDC)