Sec. Duque hinimok si PAO chief Acosta na magpabakuna kontra COVID-19
Nanawagan si Health Secretary Francisco Duque III kay Public Attorney’s Office chief Persida Acosta na magpabakuna na kontra COVID-19.
Sinabi ni Duque na sa tingin niya ay malapit nang maging senior citizen si Acosta, kaya dapat ay mabigyan ito ng karagdagang proteksyon laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng bakuna.
Una nang inamin ng PAO chief na ayaw niyang magpabakuna dahil sa kanyang edad at iba’t ibang health reasons.
Inihayag din ni Acosta na naghihintay pa siya ng protein-based na vaccine.
Sa kasalukuyan, ang available na COVID-19 vaccines sa Pilipinas ay ribonucleic acid-based gaya ng Moderna at Pfizer; inactivated gaya ng Sinovac at Sinopharm; at adenovirus o viral vector-based gaya ng Janssen, Astrazeneca at Sputnik V.
Ang Novavax na protein-based ay hindi pa available sa Pilipinas.
Idinagdag ni Duque na kung walang bakuna ay posibleng malagay sa peligro si Acosta kapag tinamaan ito ng COVID-19. (Infinite Radio Calbayog)