Performance-Based Bonus matatanggap na ng mga guro
Matatanggap na ng mga guro at kawani ng Department of Education (DepEd) ang kanilang Performance-Based Bonus (PBB) para sa Fiscal Year 2020.
Ito’y makaraang masuri ng Inter-Agency Task Force on the Harmonization of National Government Performance Monitoring, Information and Reporting Systems (AO25 IATF) ang Kagawaran bilang eligible para sa taunang insentibo sa mga performing agencies.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Magtolis Briones, ang DepEd ay nakasunod sa 14 na pamantayan para sa 2020 PBB.
Ito ang pinakamataas na bilang ng nasunod na pamantayan mula nang magsimula ang PBB noong 2012.
Samantala, kasama ang school-based personnel sa tatanggap ng FY 2020 PBB, na ibabase sa resulta ng DepEd school-level RPMS para sa 2020.
Ang mga kawani ng paaralan ang unang makatatanggap ng kanilang bonuses, kasunod ang SDO-based personnel na nakatalaga sa mga paaralan, susundan ito ng mga School Division Offices (SDOs), Regional Offices (ROs), at panghuli, ang Central Office (CO). (DDC)