Bakunang nai-deliver ng Covax facility umabot na sa 1 bilyong doses
Umabot na sa isang bilyong doses ng COVID-19 vaccines ang nai-deliver ng Covax facility sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ang Covax facility ay itinayo noong 2020 ng World Health Organization, Gavi the Vaccine Alliance at ng Coalition for Epidemic Preparedness Innovations para matiyak na magkakaroon ng access sa bakuna ang mahihirap na bansa.
Ayon kay Gavi chief executive Seth Berkley, umabot na sa 1 billion doses ang nai-deliver ng Covax sa 144 na mga bansa at teritoryo.
Pinakahuling delivery ng mga bakuna mula sa Covax ay dinala sa Kigali, Rwanda.
Lahat ng mga bansa ay maaring mag-order ng bakuna sa Covax facility, habang ang mga bansang mahihirap ay maaring makakuha ng libreng bakuna. (DDC)