Isolation at quarantine protocols sa aviation sector pinaiksi ng IATF
Pinayagan na rin ng Inter Agency Task Force (IATF) ang mas maiksing isolation at quarantine protocols sa aviation sector.
Sakop nito ang mga airline personnel, ground handler, maintenance providers, airport security, air traffic controllers, airport workers at iba pang aviation-related personnel.
Ayon sa IATF Resolution No. 157, limang araw na lamang ang isolation para sa mild at asymptomatic confirmed COVID-19 cases kung ang manggagawa sa aviation sector ay fully-vaccinated at may booster shot na.
Hindi naman na kailangang mag-quarantine ang mga asymptomatic na close contacts ng confirmed COVID-19 cases na fully-vaccinated at may booster shot na.
Una nang hiniling ng mga airline company na gaya ng mga healthcare workers ay maiksian din ang isolation at quarantine protocols sa mga aviation sector.
Dahil kasi sa dami ng mga airline crew na tinatamaan ng COVID-19 at kanilang close contacts, maraming biyahe ng eroplano ang nakansela. (DDC)