Academic Health Break idineklara sa Marikina City mula Jan. 17 hanggang Jan. 29
Nagdeklara ng dalawang linggong academic health break sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod ng Marikina.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcy Teodoro, dahil sa maraming nagkakasakit na mga bata, guro at kanilang kaanak sa minabuti na magdeklara muna ng academic health break na magsisimula sa January 17 hanggang January 29, 2022.
Alinsunod ito sa probisyon ng Section 16-General Welfare Clause ng Local Government Code.
Layon nitong mabigyan ng pagkakataon ang bawat pamilyang taga-Marikina na makatuon sa pagpapagaling ng kanilang karamdaman, makapagpahinga, makapag-quarantine at maasikaso ang kanilang mga pangangailangan.
Ang lahat ng antas sa mga pribado at pampublikong paaralan sa buong lungsod ng Marikina ay inaabisuhang huwag munang magsagawa ng online o face to face classes.
Maari namang magbigay ng mga gawaing bahay sa kanilang mag-aaral habang epektibo ang nasabing health break. (DDC)