10 pasahero ng MRT-3 nagpositibo sa ikalawang araw ng Random Antigen Testing
Sa ikalawang araw ng pagsasagawa ng Random Antigen Testing sa mga pasahero ng MRT-3, umabot sa sampung mga pasahero ang nagpositibo.
Magugunitang pormal na inumpisahan ng pamunuan ng MRT-3 ang pagsasagawa ng Random Antigen Testing sa mga pasahero nito.
Boluntaryo ang pagpapasailalim sa test at walang pinipilit na pasahero.
Ayon sa datos, noong Miyerkules, Jan. 12, umabot sa 96 na pasahero ang naisailalim sa Antigen Testing, kung saan 86 ay negatibo at 10 ang positibo.
Ang mga pasaherong pumayag magpasailalim sa Antigen Test at negatibo ang resulta ay libre nang nakasakay sa MRT-3.
Ang mga nagpositibo naman sa antigen testing ay hindi na pinabiyahe at inabisuhan na kaagad magself-isolate at makipag-ugnayan sa local government unit (LGU) para sa health monitoring at confirmatory RT-PCR testing. (DDC)