Dalawang kumpanya nagsumite na ng aplikasyon sa FDA para makapag-suplay ng self-administered test kits
Mayroon nang dalawang kumpanya ang naghain ng aplikasyon sa Food and Drug Administration (FDA) para mapayagan silang makapag suplay ng self-administered test kits.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire pinag-aaralan na ngayon ng FDA ang aplikasyon ng dalawang manufacturers para maisyuhan sila ng CPR o Certificate of Product Registration.
Sinabi ni Vergeire na pinamamadali na ito sa FDA upang mayroon nang magamit na at-home test kits ang mga mamamayan.
Inaasahan din na sa lalong madaling panahon ay magpapalabas ng polisiya ang FDA sa paggamit ng self-administered test kits.
Habang wala pang naaaprubahan pinayuhan ng DOH ang publiko na iwasan ang pagbili at paggamit ng hindi rehistradong test kits. (DDC)