P30M na halaga ng pekeng Biogesic at iba pang gamot nakumpiska ng Customs
Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang otoridad ang milyun-milyong pisong halaga ng pekeng mga gamot.
Ayon sa Customs, P30 million na halaga ng mga pekeng Biogesic, Neozep, Bioflu, Immunpro, Ivermectin, Phenokinon F Injection, Medicol, Planax, Alaxan FR, MX3 at iba pa ang nakumpiska.
Sa inilabas na sertipikasyon ng Food and Drug Administration (FDA) at Unilab Pharmaceuticals napatunayang peke ang nasabing mga gamot.
Nakabalot ng karton ang mga pekeng gamot at may tags na Chinese characters.
Natuklasan ang mga ito sa dalawang storage facilities sa Brgy. Marcelo sa Paranaque City.
Sa nasabing operasyon, naaresto ng mga otoridad ang isang Adel Rajput, – Pakistani national, at residente ng Caloocan City.
Mahaharap ang dayuhan sa patung-patong na kaso at sasailalim din sa revocation process ng Bureau of Immigration ang visa nito. (DDC)