Comelec itinanggi ang ulat ng isang pahayagan na napasok ng hackers ang VCM files
Bineberipika na ng Commission on Elections (Comelec) ang artikulong lumabas sa isang pahayagan na nagsasabing napasok ng hackers ang sistema ng poll body.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, nakasaad sa nasabing artikulo na nagawa ng hackers na mai-download ang mga files, kabilang ang usernames at PINS sa vote-counting machines.
Pero ayon kay Jimenez, walang ganitong mga impormasyon sa Comelec system.
Ito ay dahil hindi pa nakukumpleto ang pag-configure sa mga file kabilang ang usernames at PINs.
Kasabay nito ay tiniyak ng Comelec sa publiko na tumutugon ito sa Data Privacy Act.
Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng poll body sa National Privacy Commission.
Inanyayahan din ng Comelec ang nagsulat ng artikulo na bigyang-linaw ang kanilang mga alegasyon dahil ang inilabas na balita ay maaring makasira sa kredibilidad ng darating na eleksyon. (DDC)