Bilang ng newly-overhauled LRVs na nai-deploy sa linya ng MRT-3, umakyat na sa 39
Umakyat na sa 39 ang bilang ng mga newly-overhauled light rail vehicles (LRVs) o bagon na nai-deploy ng pamunuan ng MRT-3 sa mainline.
Mabilis, presko, at komportable ang biyahe ng mga pasahero sa newly-overhauled LRVs ng MRT-3, na sumasailalim sa masusing serye ng speed at quality checks bago patakbuhin upang masigurong ligtas gamitin.
Sa kasalukuyan, 33 na lamang sa 72 na bagon ng MRT-3 ang naka-ischedule ma-overhaul ng maintenance provider ng linya.
Ang isang tren ay binubuo ng tatlong (3) bagon. Nasa 17 hanggang 21 tren ang tumatakbo sa kasalukuyan sa mainline.
Ang general overhauling ng mga bagon ng MRT-3 ay bahagi ng malawakan at komprehensibong rehabilitasyon ng linya.
Nananatili ring nasa 70% ang passenger capacity ng mga tren, na may katumbas na 276 na pasahero kada train car, 827 na pasahero kada train set.
Upang mapanatiling ligtas ang biyahe ng mga pasahero, mahigpit na ipinatutupad ang COVID-19 health and safety protocols sa buong linya, gaya ng pagbabawal kumain, uminom, makipag-usap sa telepono, at magsalita sa loob ng mga tren.
Mahigpit ding ipinatutupad ang pagsusuot ng face mask samantalang boluntaryo ang pagsusuot ng face shield. (DDC)