Pulisya nagsimula nang mahigpit sa palibot ng Quiapo Church
Inumpisahan na ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang paghihigpit ng seguridad sa palibot ng Quiapo Church.
Naglagay ng checkpoint sa kanto ng Carlos Palanca at Ayala Blvd. ngayong umaga ng Biyernes.
Kapag normal ang sitwasyon, tuwing unang Biyernes ng buwan ay marami ang nagsisimba sa Quiapo Church.
Pero sa ngayon bawal na muna ang pisikal na pagdalo sa mga misa.
Simula kaninang alas 4:00 ng madaling araw ay nagdaos na ng unang misa sa Quiapo Church at oras-oras itong isasagawa.
Maaring dumalo sa misa sa pamamagitan ng livestreaming.
Magugunitang binawalan ng pamahalaan ang Quiapo Church na magsagawa ng public masses para sa Kapistahan ng Itim na Nazareno.
Sa misa ngayong alas 7:00 ng umaga sinabi ni Fr. Danichi Voltaire Hui na sarado man ang simbahan sa January 9 Feast of Black Nazarene ay mayroon pa ring pagdiriwang.
Sa January 9 alas 4:00 ng madaling araw, magdaraos ng online mass kung saan si Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula ang magmimisa. (DDC)