Nasawi sa pananalasa ng Typhoon Odette umakyat na sa 405 – NDRRMC
Tumaas pa sa 405 ang bilang ng nasawi sa Typhoon Odette.
Sa datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nakapagtala din ng 1,147 na nasugatan dahil sa bagyo.
Habang mayroon pang 82 na nawawala.
Pinakamatinding naapektuhan ng bagyo ang Palawan, Negros Occidental, Bohol, Cebu, Negros Oriental, Southern Leyte, Leyte, Dinagat Is., at Surigao Del Norte.
Ayon sa NDRRMC, umabot sa mahigit 1.1 milyong pamilya o mahigit 4.4 milyon na katao ang naapektuhan ng bagyo.
Sa nasabing bilang mahigit 325,000 na katao pa ang nananatili sa mga evacuation center at doon na sasalubungin ang Bagong Taon.
Nakapagtala din ng mahigit 532,000 na mga bahay na nasira ng bagyo. (DDC)