BRP Gabriela Silang bumiyahe patungong Visayas at Mindanao para maghatid ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Odette
Bumiyahe ang BRP Gabriela Silang mula Port Area, Manila papuntang Western Visayas at Northeastern Mindanao para maghatid ng tulong sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng Bagyong Odette.
Nagtulung-tulong ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pagkarga ng kahung-kahong food packs, bigas, purified drinking water, gamot, bitamina, medical supplies, hygiene kits, trauma kits, portable stretchers, at shelter grade tarpaulins sa barko.
May dala rin silang solar sets, generator sets, at gasolina para makatulong sa unti-unting rehabilitasyon ng mga apektadong probinsya.
Pinangunahan ni PCG Deputy Commandant for Operations, CG Vice Admiral Eduardo D Fabricante ang send-off ceremony ng BRP Gabriela Silang (OPV-8301).
Samantala, pinasalamatan naman ni Task Force Kalinga Commander, CG Rear Admiral Ronnie Gil Gavan ang mga opisyal ng gobyerno na nagpadala ng tulong, gayundin ang mga organisasyong nakiisa sa relief transport mission.
Ayon kay Gavan, nagpapatuloy ang paghahanda ng Task Force Kalinga para sa mga susunod na relief transport missions sa iba pang rehiyon na lubhang napinsala ng Bagyong Odette.
Ang relief transport missions ng PCG ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin lahat ng assets at resources ng pamahalaan para makatulong sa agarang pagbangon ng mga pamilyang nabiktima ng nagdaang kalamidad. (DDC)