PCG magpapatayo ng training center sa Dolores, Eastern Samar
Magandang balita para sa mga aplikante ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakatira sa Eastern Samar….
Nalagdaan na ang ‘deed of donation’ sa Pagitan ng PCG at LGU ng Dolores para sa pagpapatayo ng PCG Regional Training Center sa limang ektaryang lupain sa Dolores.
Pinangunahan nina PCG District Eastern Visayas Commander, CG Captain Marco Antonio Gines at Dolores Mayor Shonny Niño Carpeso ang seremonya.
Nakibahagi rin si Eastern Samar Governor Ben Evardone at kanyang kinatawan na si Dr. Zaldy Carpeso.
Ayon kay Mayor Carpeso, naniniwala siya na sa pagbubukas ng PCG Regional Training Center, dadami ang mga residenteng magsisilbi sa bansa bilang ‘Coast Guard’.
Dagdag pa rito, mapapalakas ang presensya ng PCG sa Eastern Samar tungo sa kaligtasan at seguridad ng mga marino, mangingisda, at pasahero sa malawak na katubigan ng rehiyon.
Samantala, ipinahayag naman ni CG Captain Gines ang pasasalamat ng PCG sa LGU ng Dolores sa pagkilala nito sa kontribusyon ng serbisyo sa pag-unlad ng munisipalidad. (DDC)