BREAKING: DOH nakapagtala na ng dalawang kaso ng Omicron variant ng COVID-19 sa Pilipinas
Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na may naitala nang dalawang kaso ng Omicron variant ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon sa inilabas na pahayag ng DOH, ang isa ay Returning Overseas Filipino (ROF) na dumating sa bansa galing Japan noong December 1, 2021 lulan ng Philippine Airlines na may flight number PR 0427.
Kinuhanan ng sample ang nasabing pasahero noong December 5, 2021 at ang positive result ay lumabas noong December 7.
Isinailalim siya sa isolation facility, asymptomatic ito sa ngayon subalit nang dumating siya sa bansa, siya ay may sipon at ubo.
Ang ikalawang kaso ay isang Nigerian national na dumating sa bansa galing Nigeria noong November 30, 2021 lulan ng Oman Air na may flight number WY 843.
kinuhanan siya ng sample noong December 6, 2021 at lumabas ang resulta noong December 7, 2021.
Dinala ang pasyente sa isolation facility at sa ngayon siya ay asymptomatic din.
Inaalam na ng DOH ang posibilidad kung nagkaroon sila ng close contacts sa mga kapwa nila pasahero sa flight.
Bineberipika na din ng DOH ang test results at health status ng lahat ng pasahero sa dalawang flight.
Pinapayuhan ng DOH ang lahat ng biyahero na dumating sa bansa lulan ng dalawang flight na tumawag sa DOH COVID-19 Hotlines sa (02) 8942 6843 o 1555 i ‘di kaya ay makipag-ugnayan sa kani-kanilang LGUs. (DDC)