Binabantayang LPA ng PAGASA nakalabas na ng bansa
Nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Low-Pressure Area (LPA) sa silangan ng Mindanao.
Gayunman, sinabi ng PAGASA na magdadala pa rin ng mga pag-ulan ang northeast monsoon o amihan at shear line sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Ana Clauren, ang trough o extension ng LPA ang magdadala ng maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Eastern Visayas, Surigao Provinces, Dinagat Islands, at Davao Oriental.
Samantala, ang Amihan naman ang magdudulot ng maulap na papawirin na may mahihinang pag-ulan sa Aurora, hilagang bahagi ng Quezon, kabilang ang Polillo Islands, Camarines Provinces, at Catanduanes.
Ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon ay makararanas ng generally fair weather, na may posibilidad ng mahihinang pag-ulan dahil sa Amihan.
Ang natitirang bahagi ng Visayas ay magkakaroon din ng maaliwalas na panahon, na may posibilidad ng pulo-pulong pag-ulan sa hapon at gabi bunsod ng localized thunderstorms. (Infinite Radio Calbayog)