Mga hindi pa bakunadong pulis hindi itatalaga sa field work – PNP
Itatalaga sa ‘low risk’ duty ang mga pulis na hindi pa nababakunahan kontra COVID-19.
Ayon kay Philippine National Police Chief, Police General Dionardo Carlos, hindi itatalaga sa field work ang mga hindi bakunadong pulis para maiwasan ding labis silang malantad sa COVID-19 infection.
Sa halip ayon kay Carlos, bibigyan na lamang ng administrative work ang nasabing mga pulis.
Sa pamamagitan nito, limitado lamang ang kanilang contact sa mga public clientele at iba pang co-workers.
Batay sa datos ng PNP, mayroong 1,771 police personnel o 0.79% ng kabuuang hanay ng Pambansang Pulisya ang hindi pa bakunado.
937 sa kanila o 0.42% ang mayroong valid reasons gaya ng allergic reaction, medical condition, pregnancy, at religious belief.
Ang 834 o 0.37% na unvaccinated personnel ay walang ibinigay na risonableng dahilan kung bakit ayaw nilang magpabakuna.
Sinabi ni Carlos na hindi puwedeng hindi papasukin sa duty ang mga hindi bakunadong pulis lalo at kailangan ang full deployment ng kanilang mga tauhan ngayong holiday season. (DDC)