172 pamilya sa San Andres, Catanduanes inabutan ng tulong ng Red Cross
Naabutan na ng tulong ng Philippine Red Cross ang aabot sa 172 na pamilya sa Brgy. Bon-ot, San Andres, Catanduanes.
Personal na nagtungo sa lalawigan si Red Cross Chairman at Senator Richard Gordon.
Ayon sa Red Cross ngayong araw at sa mga susunod na araw mas maraming pamilya pa ang aasistihan ng Red Cross.
Binigyan sila ng mga tent na maari nilang magamit para pansamantalang masilungan, banig at iba pang mahahalang mga gamit.
“Hindi titigil ang Red Cross hangga’t hindi nakakatayong muli ang mga komunidad na tinamaan ng bagyong #RollyPH. Basta’t tayo ay magkakasama, tayo ay makakababangong muli,” ayon kay Gordon.
Noong Lunes (Nov. 2) ng hapon, umalis ng Metro Manila ang Red Cross Humanitarian Caravan para magtungo sa Catanduanes at Albay at magbigay ng agarang tulong sa mga komunidad na direktang tinamaan ng bagyong Rolly.
Kasama sa caravan ang water tankers dahil hanggang ngayon ay wala pa ring supply ng tubig sa mga probinsya.