DILG sa mga kandidato: pagsasagawa ng political rallies, bawal pa
Bawal pa ang pagsasagawa ng political rallies ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Paalala ito ni DILG Sec. Eduardo Año, kasunod na din ng banta ng Omicron variant ng COVID-19.
Maliban sa banta ng COVID-19, sinabi ni Año na hindi pa naman pormal na nagsisimula ang campaign period.
Ayon sa kalihim, maraming kandidato sa national at lokal na posisyon ang nagsasagawa na ng mga political rally kung saan daan-daang supporters nila ang lumalahok.
Apela ni Año sa mga kandidato, political parties at kanilang mga tagasuporta na iwasan ang pagsasagawa ng political rallies dahil maari itong maging super-spreader.
Tanging mga motorcade at caravan aniya ang pwedeng payagan dahil ginagawa ito ng may physical distancing at limitadong oras lamang.
Sa calendar of activities ng Comelec, sa February 8, 2022 pa opisyal na magsisimula ang campaign period para sa national position at sa March 25, 2022 para sa local posts. (DDC)