Dagdag na suplay ng Pfizer at AstraZeneca COVID-19 vaccines dumating sa bansa
Dumating sa bansa ang 1,078,740 Pfizer COVID-19 vaccine doses na kabilang sa binili ng pamahalaan.
Ang mga bakuna ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 pasado alas 8:00 ng gabi ng Miyerkules (Dec.1) lulan ng Hong Kong Flight ID456.
Ayon sa National Task Force Against COVID-19, ito ang una sa tatlong deliveries para sa 2,394,990 Pfizer vaccines na binili ng pamahalaan sa pamamagitan ng Asian Development Bank.
Bukod sa Pfizer, kabuuang 1,632,900 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine na donasyon ng French government ang dumating din sa Pilipinas kahapon.
Ang vaccine supply ay dumating sa NAIA Terminal 3, pasado alas 4:00 ng hapon. (Infinite Radio Calbayog)