Dating provincial administrator sa Iloilo inaresto ng NBI dahil sa kasong libel
Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dating Iloilo Provincial Administrator at ngayon ay aktibong social media blogger na si Manuel P. Mejorada alyas “BOY MEJORADA”.
Dinakip ang suspek ng mga tauhan ng NBI-Special Operations Group (NBI-SOG) sa Quezon City dahil sa kinakaharap niyang apat na bilang ng kasong Libel.
Ayon kay NBI Officer-in-Charge (OIC) Director Eric B. Distor, ang operasyon ay kasunod ng liham mula kay Senator Franklin M. Drilon na humihiling na maisilbi ang Warrant of Arrest na inisyu laban kay Mejorada.
Ang arrest warrant ay ipinalabas ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 118 noon pang December 10, 2019.
Agad nagsagawa ng surveillane ang NBI-SOG hanggang sa matunton ang pinagtataguan ni Mejorada na dalawang taon nang nagtatago.
Natagpuan si Mejorada sa Burgundy Place Condominium sa Loyola Heights, Quezon City.
Ilang ulit inakusahan ni Mejorada si Drilon na sangkot ang senador sa korapsyon sa infrastructure projects sa Iloilo kabilang ang Iloilo Convention Center. (DDC)