Total jabs administered sa unang araw ng National Vaccination Days umabot sa 2.55 million doses
Umabot sa 2.55 million doses ng bakuna kontra COVID-19 ang naiturok sa unang araw ng inilunsad na National Vaccination Days.
Ang nasabing bilang ay higit doble sa usual daily national vaccination sa buong bansa sa nagdaang mga araw kung saan umaabot sa 1 milyon ang pinakamataas na average daily jabs.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito G. Galvez, Jr. patunay ito na ang mga lokal na pamahalaan ay may kakayahan na pabilisan pa at palawakin ang coverage ng kanilang pagbabakuna.
Sinabi ni Galvez na patunay din ito na kung magtutuluy-tuloy ang pagkilos ng lahat, ay kayang mabakunahan ang lahat ng populasyon sa bansa sa lalong madaling panahon.
Sa datos ng National Vaccination Operations Center, nakapagtala ng 2,554,023 doses administered noong araw ng Lunes (Nov. 29).
Ang rehiyon ng CALABARZON ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng naiturok na bakuna na umabot sa 366,711 doses. (DDC)