P629.8B budget ng DepEd para sa 2022 aprubado na ng Senado
Inaprubahan na ng Senado ang panukalang P629.8 billion na budget ng Department of Education (DepEd) para sa taong 2022.
Anim na porsyentong mas mataas ang panukalang budget ng DepEd kumpara sa 2021 budget nito na P595 billion.
Sa isinagawang budget deliberation, kinilala ni Senator Pia Cayetano ang hakbang na ginagawa ng kagawaran para sa ligtas na reopening ng mga paaralan na nagsimula noong November 15.
Nagpasalamat naman si Education Secretary Leonor Magtolis Briones sa Senado. Ani Briones ang budget ng kagawaran ay malaking tulong para maibigay ang pangangailangan ng mga mag-aaral at guro sa unti-unti nang pagbubukas ng mga paaralan.
Matapos maaprubahan sa Senado ang DepEd budget ay hihintayin na lamang ang bicameral deliberations bago idiretso kay Pangulong Duterte. (DDC)