Mga magpapabakuna sa Nov. 29 hanggang Dec. 1 na deklaradong National COVID-19 Vaccination Days, pwedeng lumiban sa trabaho
Pormal nang idineklara ng Malakanyang ang mga petsang November 29, November 30 at December 1, 2021 bilang “Bayanihan, Bakunahan National COVID-19 Vaccination Days”.
Sa bisa ng Proclamation No. 1253 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, bahagi ito ng integrated approach ng pamahalaan para mapigilan ang apglaganap ng COVID-19 sa bansa.
Inatasan ng Malakanyang ang lahat ng ahensya ng gobyerno na makipagtulungan sa programa kung saan magsasagawa ng malawakang pagbabakuna kontra COVID-19 sa lahat ng eligible na mamamayan.
Inaatasan din ang lahat ng LGU na gawin ang lahat at ideploy ang lahat ng resources para makalahok sa malawakang bakunahan.
Nakasaad sa proklamasyon na mayroon pang 53 million doses ng COVID-19 sa bansa ang hindi pa nagagamit kaya target na maraming mabakunahan sa tatlong araw na vaccination days.
Ang mga empleyado ng gobyerno at maging ng pribadong sektor na liliban sa trabaho sa nasabing mga petsa para magbakuna ay hindi dapat ikunsederang absent sa kanilang trabaho.
Kailangan lamang nilang magpakita ng katibayan na sila ay nagpabakuna. (DDC)