Presidential aspirant Bongbong Marcos nagpasailalim sa cocaine test
Sumailalim sa cocaine test si presidential aspirant at dating Senador Bongbong Marcos Jr.
Kasunod ito ng paulit-ulit na pagbabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte na mayroong isang presidential aspirant ang gumagamit ng cocaine.
Sa kaniyang mga pahayag ay binanggit din ng pangulo na ang naturang presidential aspirant ay anak ng kilala at mayamang tao.
Sinabi ni BBM na bagaman hindi niya kailanman naramdaman na siya ang pinatutungkulan ng pangulo, batid niya na tungkulin niya bilang aspiring public official na tiyakin sa publiko na siya ay tutol sa ilegal na droga.
Ayon kay BBM ang resulta ng kaniyang cocaine test ay isinumite na sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), office of the chief PNP at sa National Bureau of Investigation (NBI).
Tiniyak ni BBM sa mga tagasuporta ng BBM-Sara Uniteam na magpapatuloy ang kaniyang kampanya kontra ilegal na droga.
Nanawagan din si BBM sa lahat ng elective aspirants na magpasailalim sa drug test para matiyak sa publiko na ang kanilang mga iboboto ay hindi gumagamit ng ilegal na droga. (DDC)