BBM-Sara Uniteam nagpakita ng lakas sa isinagawang caravan
Milyun-milyong tagasuporta ng BBM-Sara Uniteam ang nagpakita ng kanilang lakas sa pamamagitan ng malawakang caravan kahapon (Nobyembre 21) na tinaguriang “caravan para sa pagkakaisa, kapayapaan at pag-unlad” sa iba’t ibang lungsod at probinsya sa buong bansa.
Ang serye ng “unity ride” ay pinangunahan ng mga grassroots supporters nila presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at vice presidential aspirant Davao Mayor Sara Duterte na malawakang nagsimula dakong ika-pito ng umaga na aabot sa mahigit 15 probinsya at mahigit 30 lungsod sa Mindanao, Bicol Region, Calabarzon, Metro Manila hanggang Abra at Northern Luzon.
Tila nagkulay pula at berde naman ang bansa dahil sa serye ng caravan na sa kauna-unahang pagkakataon simula nang ianunsyo ang kanilang tambalan, ay dinaluhan nina Bongbong at Sara para pangunahan ang caravan ng mga supporters sa Davao del Norte.
Sinuyod ng BBM-Sara Uniteam ang Carmen at Tagum city sa Davao del Norte na kinuyog ng aabot sa mahigit 10, 000 supporters.
Pinangunahan din ng BBM-Sara Uniteam ang oath-taking ng mga bagong opisyal at kanidato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) kung saan si Marcos and standard-bearer. Kasabay din nito ang blessing at pagpapasinaya sa bagong headquarters ng PFP sa Tagum city.
“Sobrang overwhelming, makita ko pa lamang ang mga post at mga live videos sa social media ng ating mga taga-suporta ay sobrang nakatataba ng puso. Hindi ko alam kung paano sila lahat mapasasalamatan sa mga effort na ipinakita nila,” ayon sa pahayag ni Bongbong.
Libu-libo ang dumalo sa caravan sa Ilocos Sur at Norte na kilalang “solid north” at matagal nang sumusuporta sa pamilya Marcos. Lumahok din sa serye ng motorcade ang mga residente ng mga probinsiya ng Isabela.
Halos napuno naman ang mga kalsada ng BBM supporters sa Abra na aabot ng mahigit 15, 000 na pinangunahan ni Abra Rep. JB Bernos kasama ang iba pang lokal na opisyal sa probinsya.
Hindi rin nagpaiwan ang mga taga-Pangasinan, Nueva Ecija at Bataan na kanya-kanya ring gimik sa pagdalo sa “unity ride.”
Karamihan sa mga supporters iginiit na nagpakita raw sila ng suporta sa BBM-Sara Uniteam lalo na kay Bongbong na patuloy binabato ng mga mali at hindi totoong akusasyon.
“Habang binabato nila si Marcos ng kung anu-anong paratang lalo naming ipapakita na mas matindi at matibay ang suporta namin sa kanya. Katulad ng panawagan ni Bongbong na pagkakaisa, itong caravan ang pagpapakita namin ng pagkakaisa,” ayon sa isang taga-suporta na dumalo sa caravan sa Pangasinan.
Lumahok din sa caravan ang mga supporters ni Marcos sa Bicol region, Cavite, Batangas, Quezon at maging sa Laguna.
Meron ding Caravan sa Metro Manila, kabilang ang Parañaque, Quezon city, Caloocan, Pasay at Maynila. Ang mga bikers na BBM-Sara Uniteam supporters nagsagawa pa ng clean-up drive sa Manila Bay malapit sa Mall of Asia sa Pasay city.
Hindi rin nagpahuli sa unity ride ang mga probinsya sa Visayas at Mindanao kabilang ang Bacolod, Aklan, at Cagayan de Oro.
Sa Cagayan de Oro pa lamang, kinumpirma rin ng mga lider sa lugar na aabot sa mahigit 10, 000 and dumalo base na rin sa mga kumpirmadong nagpa-rehistro sa naturang motorcade.
“Sa mga organizers at sa lahat-lahat na boluntaryong nag-asikaso, nagpuyat at nagtulong-tulong para lamang maisakatuparan ang unity ride na ito ang tanging itutugon ko lamang sa inyo ay ang pagbibigay ng magandang serbisyo publiko bilang pasasalamat sa suportang ipinakita niyo sa amin sa BBM-Sara Uniteam,” ani Marcos.
Bukod sa mga serye ng caravan, kita rin ang lakas ng suporta sa BBM-Sara Uniteam na kapwa naniniwala sa mapag kaisang liderato o “unifying leadership” dahil sa patuloy nilang pamamayagpag sa mga survey na isinagawa kamakailan. (DDC)