Quarantine sa mga balikbayan dapat alisin na; mga dayuhan dapat payagan nang makapiling ang kanilang Pinoy Fiancée
Makakapiling ng mga balikbayang Pilipino ang kanilang pamilya nang mas maraming araw kung hindi na sila oobligahin na sumailalim sa limang-araw na quarantine sa kung sila ay kumpletong bakunado at negatibo sa COVID-19 swab test sa loob ng tatlong araw ng pagdating sa Pilipinas.
Iyan ang mungkahi sa Pamahalaang Duterte ng Turismo Isulong Mo Partylist (TURISMO) dahil sa dagsa ng kahilingan ng mga pauwing Pilipino sa United States na alisin na ang quarantine na nag-uudlot sa pagkikita ng mga magka-pamilya bukod sa dagdag-gastos pa.
“Sandamakmak ang may gusto at may planong magbalikbayan mula sa Amerika at Canada na pawang bakunado ngunit nagdadalawang-isip dahil sa lima o pitong-araw na quarantine sa hotel bago pa makauwi ng probinsya,” sabi ni Turismo Isulong Mo Partylist nominee Wanda Tulfo Teo.
Iginiit ni Teo sa Presidential Inter-Agency Task Force (IATF) na ibilang ang US sa “Green Countries” category dahil low-risk na ang naturang bansa sa Covid-19 dahil sa herd immunity at pagiging bakunado ng karamihang mamamayan.
Hiniling din ng TURISMO Partylist na payagan nang makapasok ang mga dayuhan na nasasabik nang makapiling ang kanilang mga Filipina fiancée.
“Tutal bumubuti na ang kondisyon sa bansa, bakit hindi natin hayaan si Romeo and Juliet na makapiling ang isa’t-isa sa kondisyong bakunado sila pareho. Halos dalawang-taon nang uhaw at atat na atat nang magkaniig ang magkakapuso,” pagdidiin pa ni Teo.
Sabi ng dating secretary ng Department of Tourism (DOT) libu-libong mga banyaga ang napilitang lumikas pabalik sa kanilang bansa ng magulong Luzon lockdown at napilitang iwan ang kanilang mga kapuso kabilang na yung mga mayroon nang anak.
Sa panahon ng State of Public Health Emergency, yung mga dayuhan lamang na kasal sa mga Filipino citizens ang pinapayagang makabalik ng Pilipinas.