Barko ng China hinarangan at binomba ng water cannon ang PH boats na patungo ng Ayungin Shoal
Tatlong Chinese Coast Guard vessels ang gumamit ng pwersa sa dalawang supply boats ng Pilipinas na patungo dapat sa Ayungin Shoal para mag-suplay ng pagkain sa mga sundalo na nakabantay sa BRP Sierra Madre.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na nangyari ang insidente noong November 16.
Ayon kay Locsin, hinarangan at binomba ng water cannon ng Chinese vessels ang mga bangka ng Pilipinas.
Wala namang nasaktan sa insidente, pero nagpasya ang Philippine boats na umatras na lamang at hindi na ituloy ang kanilang resupply mission.
Sinabi ni Locsin na naiprotesta na ng Pilipinas ang nangyari at pinaalalahanan ang China na ang public vessel ay sakop ng Philippines-United States Mutual Defense Treaty.
Ani Locsin, ang Ayungin Shoal ay bahagi ng Kalayaan Island Group na integral part ng Pilipinas.
Tiniyak ni Locsin na patuloy na maghahatid ng suplay ang bahagi ng Ayungin Shoal at hindi kailangang humingi ng permiso kaninoman habang ginagawa ito sa teritoryo ng bansa. (DDC)