Mga iboboto sa May 2022 elections dapat piliing mabuti
Hinikayat ni Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva ang publiko na piliing mabuti ang mga kandidatong iluluklok sa 2022 elections.
Ayon kay Villanueva, dapat gamiting pagkakataon ang halalan para maghalal ng mga leaders na may tunay plataporma laban sa korapsyon.
Malinaw aniya na panawagan ito para magising ang bawat Pilipino sa katotohanan na ang korapsyon at mga corrupt leaders ang sumisira sa bansa.
Kailangan aniyang makita ng taumbayan ang eleksyon sa susunod na taon na isang oportunidad na alisin ang mga tiwaling opisyal at iboto naman ang mga tunay na mapagkakatiwalaan.
Pinayuhan naman ng kongresista ang mga botante na magsaliksik sa background ng mga kandidato na nais iboto sa halalan.
Ang apela ng kongresista, ay kasunod ng ulat na hindi mabibigyan ng bilyong halaga ng “grant” ang bansa ng Millennium Challenge Corp. (MCC) ng Amerika bunsod ng kabiguan ng pamahalaan na masawata ang korapsyon. (James Cruz)