Bisa ng 2021 budget nais palawigin hanggang sa susunod na taon
Isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagpapalawig sa bisa ng 2021 budget hanggang sa susunod na taon.
Sa House Bill 10373 na inihain ni House Appropriations Committee Chairman Eric Go Yap, nais nito na ma-extend ang bisa ng 2021 national budget mula December 31, 2021 hanggang December 31, 2022.
Tinukoy ni Yap sa kanyang panukala na dahil sa COVID-19 pandemic ay naapektuhan ang operasyon sa gobyerno kung saan nagkaroon ng delay sa paglalabas ng alokasyon sa ilang mga programa at proyekto.
Ngayong papatapos na ang taon, marami aniyang programa, proyekto at mga aktibidad na pinondohan sa ilalim ng 2021 budget ang hindi pa nagugugol at kailangang kailangan lalo na ng mga kabilang sa vulnerable sector.
Sa Miyerkules ay sisimulan ang pagtalakay sa panukalang pagpapalawig sa validity ng 2021 budget at inaasahang maaaprubahan ito agad sa komite.
Matatandaang mula 2019 ay nagkaroon na ng extension sa bisa ng pambansang pondo. (James Cruz)