Davao City Mayor Sara Duterte nakiusap sa media at mga tagasuporta na huwag mag-camp out sa Comelec
Umapela si Davao City Mayor Sara Duterte sa kaniyang mga tagasuporta at maging sa mga mga miyembro ng media na iwasan ang mag-camp out sa labas ng Commission on Elections.
Sa kaniyang post sa Facebook page,
nakikiusap din ang alkalde sa mga nasa probinsiya na huwag nang bumiyahe papunta ng Maynila.
Kaugnay ito ng mga ulat na maraming mga tagasuporta at mga miyembro ng media ang nag-aabang ng paghahain ng substitution.
Sa November 15 ang deadline para sa pagsusumite ng substitution of candidates sa Comelec.
Ayon sa alkalde umuwi siya muli sa Davao City dahil sa nararanasang pag-ulan at pagbaha doon.
Bagaman natutuwa siya at humahanga sa kaniyang mga tagasuporta, ay hindi na aniya kailangan na mag-campout pa dahil mayroon pang pandemya.
Tiniyak naman ni Mayor Sara sa mga miyembro ng media na magbibigay ang mga spokesperson ng opisyal na pahayag, at magpo-provide din ng larawan at video. (DDC)