Pagpapagamit ng face shields sa Ormoc City at Catbalogan, Samar binawi na
Binawi na ng mga alkalde sa mga Ormoc sa Leyte at Catbalogan sa Samar ang utos tungkol sa paggamit ng face shields, sa gitna ng pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa kanilang lokalidad.
Sa executive order no. 217 ni Ormoc City Mayor Richard Gomez, pinayagan na rin nito ang mga driver at mga pasahero ng mga pampublikong sasakyan na huwag nang magsuot ng face shields.
Sa kasalukuyan ay walo na lamang ang active COVID-19 cases sa Ormoc.
Samantala, sa EO no. 11-002 ni Catbalogan City Mayor Dexter Uy, pinayagan na nito ang mga constituents na pumasok sa mga establisimyento nang walang suot na face shields.
Siyam na lamang ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Catbalogan City.
Gayunman, kapwa inobliga ng dalawang alkalde ang lahat ng mga residente sa kani-kanilang lungsod na ipagpatuloy ang pagsusuot ng face masks at panatilihin ang physical distancing upang mapigilan ang pagkalat ng virus. (Ricky Brozas)