Pagsusuot ng face shields sa Maynila hindi na mandatory
Hindi na mandatory ang paggamit ng face shields sa lungsod ng Maynila.
Sa bisa ng Executive Order na inilabas ni Manila Mayor Isko Moreno, tanging sa mga ospital, medical clinics at iba pang medical facilities na lamang ito kailangang gamitin.
Nakasaad sa EO na ibinaba na ng Inter Agency Task Force ang Alert Level na umiiral sa Metro Manila dahil sa pagbaba ng kaso ng COVID-19.
Binanggit din sa EO ang naunang pahayag ni DILG Sec. Eduardo Año na nagsasabing maraming opisyal ng gobyerno na miyembro ng IATF ang pabor na alisin na ang pagpapagamit ng face shields.
Ayon kay Moreno, epektibo ngayong araw, Nov. 8 ang pagiging non-mandatory ng pagsusuot ng face shield sa lungsod.
Gayunman, nilinaw nito na mandatory pa rin na isuot ang face shield sa mga pagamutan, clinics at iba pang kahalintulad na pasilidad. (DDC)