Gobyerno ng China magbibigay muli ng dagdag na 2 million doses na bakuna sa Pilipinas
Nakatakdang magbigay ng dagdag na dalawang milyong doses pa ng COVID-19 vaccine ang pamahalaan ng China sa Pilipinas.
Kinumpirma ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian ang naunang pahayag ni National Task Force Against COVID-19 at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na may dagdag na 2 million vaccine doses ang China sa bansa.
Sinabi ng Ambassador na dalawang team nila ang nag-aasikaso na upang mabilis na mai-deliver sa Pilipinas ang mga bakuna.
Ito ay para masuportahan aniya ang nagpapatuloy na vaccination roll-out ng bansa.
Samantala, sinabi ni Huang na umaasa din ang gobyerno ng China na ang vaccination roll-out sa Pilipinas ay makatutulong sa mabilis na economic at social recovery.
Patuloy aniya ang commitment ng China sa Pilipinas sa paglaban nito sa COVID-19. (DDC)