Umiiral na Alert Level sa Iraq ibinaba ng DFA
Mula sa Alert Level 4 (Mandatory Repatriation) ay ibinaba na ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Alert Level 3 (Voluntary Repatriation) ang umiiral na Alert Level sa bansang Iraq.
Ayon sa DFA, kasunod ito ng bahagyang pagbuti ng security situation sa nasabing bansa at base na rin sa kahilingan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) doon.
Sinabi ng DFA na nagpalabas na din ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Governing Board ng resolusyon kung saan pinapayagan na ang mga returning OFWs na makabalik sa Iraq.
Patuloy namang pinapayuhan ang mga Filipino sa Iraq na maging maingat at bawasan ang kanilang paglabas-labas.
Pinayuhan din silang patuloy na makipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Baghdad. (DDC)