Buong Luzon apektado na ng Northeast Monsoon – PAGASA
Asahan na ang paglamig ng temperatura sa malaking bahagi ng Luzon.
Ayon kasi sa PAGASA, umiiral na ang Northeast Monsoon o Amihan sa buong Luzon.
Sa weather forecast ng PAGASA ngayong araw (Oct. 28) ang Caraga Region, Western at Central Visayas ay makararanas ng maulap na papawirin na may pag-ulan.
Sa Metro manila at sa nalalabi pang bahagi ng Luzon, makararanas ng bahagyang maulap na papawirin na may isolated na mahihinang pag-ulan dahil sa Amihan.
Localized thunderstorms naman ang iiral sa nalalabi pang bahagi ng Visayas at sa buong Mindanao.
Samantala, patuloy na binabantayan ng PAGASA ang Tropical Storm na may international name na Malou na nasa labas ng bansa.
Ang bagyo ay huling namataan sa layong 1,875 kilometers east ng Extreme Northern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometers bawat oras malapit sa gitna at pagbugso na aabot sa 150 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong northwest sa bilis na 15 kilometers bawat oras.
Nananatiling maliit ang tsansa na papasok sa bansa ang nasabing bagyo. (DDC)