Pagbaba ng presyo ng palay, iniimbestigahan na ng Kamara
Nagsimula na ang House Committee on Agriculture and Food na silipin ang usapin sa pagbagsak ng presyo ng palay.
Ayon kay committee chairman Mark Enverga, base sa mga ulat, noong Setyembre ay bumagsak ang presyo ng palay hanggang P10 kada kilo sa Oriental Mindoro, habang P12 hanggang P14 kada kilo sa Nueva Ecija, Isabela, Camarines Sur at Ilocos Norte.
Sabi ng kongresista, peligroso ang ganitong sitwasyon para sa mga magsasaka kaya kailangang matukoy at maaksyunan ang mga dahilan ng pagbaba ng presyo ng palay.
Tinukoy ng Federation of the Free Farmers Cooperatives, Inc., ang ilan sa mga dahilan ng pagbagsak ng presyo ng palay gaya ng mura at undervalued imports, maulang panahon at kawalan ng post-harvest facilities.
Dumepensa naman ang Department of Agriculture Bureau of Plant Industry at sinabing tinitiyak nila na ang pagdating ng angkat na bigas ay hindi matataon sa panahon ng anihan.
Salig ang imbestigasyon sa resolusyong inihain nina Deputy Speaker Evelina Escudero at Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing na layong imbestigahan in aid of legislation ang pagbaba ng farmgate price ng palay, at alamin ang kalagayan ng mga magsasaka. (James Cruz)