Dalawang “frat members” pinawalang-sala ng Korte Suprema sa Hazing
Inabswelto ng Korte Suprema ang dalawang miyembro ng fraternity group na Tau Gamma Phi Fraternity sa kasong Hazing na nagresulta sa pagkamatay ng isang 18-anyos na estudyante noong taong 2009.
Ayon sa desisyon ng Supreme Court 3td Division, nabigo ang prosekusyon na patunayan na guilty beyond reasonable doubt sa salang paglabag sa Anti-Hazing Law of 1995 sina Carlos Paulo Bartolome at Joel Bandalan.
Inaprubahan ng SC ang petisyon ng dalawa na humihiling na baligtarin at balewalain ang August 30, 2016 Decision at October 26, 2016 Resolution ng Court of Appeals (CA).
Sa nasabing rulings ng CA ay pinagtibay ang naging pasya ng Regional Trial Court (RTC) ng Imus, Cavite na naghahatol kina Bartolome at Bandalan sa Hazing.
Pero ayon sa SC, pawang circumstancial evidence ang pinagbatayan ng mababang korte at ng CA sa pagpapataw ng hatol sa dalawa.
Inatasan ng SC ang director ng Bureau of Corrections na agad palayain ang dalawa maliban na lamang kung sila ay mayroon pang ibang kinakaharap na kaso. (DDC)