Face-to-face classes sa ilang piling paaralan hindi sapilitan ayon sa DepEd
Iginiit ng Department of Education (DepEd) na hindi sapilitan ang pagpapalahok sa mga bata sa pilot testing ng face-to-face classes sa mga piling paaralan sa mga lugar na mababa ang kaso ng COVID-19.
Ayon sa DepEd nauunawaan at inirerespeto nila ang pagpapahayag ng agam-agam ng mga magulang sa kaligtasan ng kanilang mga anak.
Paliwanag ng DepEd, dumaan sa masusing preparasyon at protocols ang ipatutupad na pilot run ng face-to-face classes para masiguro ang maximum protection sa mga mag-aaral at iba pang participating stakeholders.
Sa ngayon ayon sa DepEd, mayroong 90 paaralan ang napiling lumahok sa pilot na sa November 15.
Naglatag din ang DepEd at ang Department of Health (DOH) ng operational rules and contingencies para maiwasan ang paglaganap ng COVID-19 sa mga eskwelahan.
Habang nasa 93.2% na ng mga guro at staff ng mga participating schools ang bakunado na kontra COVID-19.
Sinabi ng DepEd na ang paglahok sa pilot run ng face-to-face classes ay voluntary.
Magbibigay dapat ng written consent ang magulang na nagsasabing pinapayagan niya ang kaniyang anak na lumahok dito.
Wala umanong magulang na pupwersahin para papasukin ang kanilang mga anak sa paaralan dahil magpapatuloy naman ang pagsasagawa ng distance learning classes. (DDC)